Ang Tatlong Karatula: Hubad, Millenial, at Pangarap








Ang Tatlong Karatula: Hubad, Millenial, at Pangarap
Unang Karatula: Hubad

Puro karima-rimarim ang nangyayari ngayon,
Mapa-radyo, o internet, dyaryo o telebisyon,
Kabuktutan at karahasan ang sumasalubong,
Araw-araw may isisilid sa abang kabaong.

Sa kaliwa't sa kanan, may nangyayaring patayan,
Taksil na droga ang s'yang itinuturong dahilan,
Ang mga 'nalunod' ay wala nang mapupuntahan,
Babarilin, bubulagta't sasabihing nanlaban.

Bawat sulok ng bangketa, may iniiwang bangkay,
Kanilang sinapit ay kalunos-lunos na tunay,
Karatula'y nakasabit sa lamog na katawan,
Nakayangyang na "Pusher ako, huwag tutularan!"

Sinasabi nilang nararapat lamang paslangin,
Itong mga salot 'di na daw dapat pang buhayin,
Mga halang ang bituka ay dapat nang puksain,
Upang 'di na makadungis sa bayang inalipin.

Karapatan daw ay naisasawalang-bahala,
Katotohana'y natabunan, hustisya'y nasira,
Tanging mahihirap lamang ang s'yang kinakawawa,
At maraming mga musmos ang napapariwara.

Silang nasa pedestal, mismong naglalaban-laban,
Inaatupag lang ay magsiraan at mag-ututan,
Isasangkalan ang tungkulin, para daw sa bayan,
Ngunit iniisip talaga ay pagpapayaman.

Mayroon pa nga kayang magaganap na pag-unlad,
Kung lalong lumulubog, pagbabago'y pabaliktad,
Mga Pilipino'y mananatiling nakahubad,
Karatula ng mga buwaya ang nakaladlad?


Ikalawang Karatula: Millenial

Bagong panahong pinaghaharian ng 'Millenial',
Pugad lamang daw ng kayabangan at pagkahangal,
Sariling puri ang tinatanim at binubungkal,
At ang kapal ng mukha ay 'di na raw madadangkal?

Doon sa online world naghahasik, bumabandera,
Anumang mapagtripan, isang pindot ang halaga,
Doon hinahanap ang pagtanggap at pagkilala,
Ang tanging nilalangit ay itong social media.

Mga millenials na sakdal ang galing kung manghusga,
Kaunting kibot, hahanapan ka ng pagkasira,
Iwawagayway ang kahiya-hiyang karatula,
'Pagkat pangit ka, ulol, o sadyang katawa-tawa.

Ang masaklap pa nito, millenials din ang biktima
Kanilang abang buhay ang siyang napapariwara,
Gumuhong pagkatao, kapalit ng pagdurusa
Mahirap nang gamutin, mahirap nang maitama.

Isang mensahe ang isinulat sa karatula,
Ipapaskil sa bawat sulok ng social media,
Kapwa ko millenials sana ay inyong mabasa,
Ang pipi kong dalangin at pagmamakaawa.

"Pakiusap, itigil na! Walang kuwentang bullying!
Paninira sa iba'y hindi n’yo ikagagaling,
Sa sariling pagpapaunlad na lamang ibaling,
Upang ang bawat pangarap ay tiyak na marating."

"Kapwa ko millenials, pagkatao'y 'di masusukat,
Sa pananalita, kasarian, kulay ng balat,
Kundi taglay na kabutihan ang siyang nararapat,
Kahit iba-iba'y hindi naman magkakalamat."

"Kapwa ko millenials, 'di mo kailanman mahahanap,
Sa internet o social media, inaasam na pagtanggap,
Kundi sa ‘yong sarili, mainit na mga yakap,
Sa pamilyang kapiling sa ginhawa at hirap."

"Ang ating angking galing at talento’y ibandera!
Tamis ng tagumpay, itatatak sa karatula,
Patunayan nating mayroon tayong ibubuga,
Hindi lang nagkukubli sa huwad na social media!”


Ikatlong Karatula: Pangarap

Nagmula ako sa isang pamilyang mahirap,
Ang ilaw ng tahanan, mahina't aandap-andap,
Marupok na haligi'y gumuho nang masaklap,
Naiwan kaming pito't pag-asa'y 'di maapuhap.

Puro man pasakit, hindi nalimot ang pangarap,
Pinilit lumaban, baon lamang ay pagsisikap,
Umaasang makaaahon din sa hinaharap,
Mararating, mahahaplos yaong mga ulap.

Lubog man sa putik at kinakapos sa pinansyal,
Sinikap kong igapang ang aking pag-aaral,
Kahit na kutyain, kahit magmukhang hangal,
Nilunok kong lahat, maipaglaban lang ang dangal.


Para sa pamilya ko, lahat ay aking tiniis,
Dumanak man ang aking dugo, luha at pawis,
'Di ako huminto maabot lamang ang nais,
Nagawa kong pagsabayin ang martilyo at lapis.

Sa isa kong paghakbang, dalawa ang pagbagsak,
Kahit anong gawin, nahuhulog pa rin sa lusak,
Kapiranggot na pag-asa'y tuluyang nabiyak,
'Di na yata mapapantay ang daang lubak-lubak.

Dumating sa puntong hindi nakayanan ang bigat,
Pagkadurog ng puso ang siyang sumambulat,
Pagkasawi nga yata, ang parusang nararapat,
Sa bulag na tulad kong nananaginip nang dilat.

Ngunit sa pagkadapa'y nahanap din ang pagbangon,
Kamay ng pamilya ko ang siya ring nag-ahon,
Ginising sa bangungot na sa akin ay lumamon,
"Lumaban ka, anak, pangarap ay 'wag mong itapon."

Sa kaibuturan ng puso'y nahanap ang pag-asa,
Unti-unting tumindig para sa aking pamilya,
Pananalig sa Panginoon ang naging kasangga,
Sa pagkapit sa Kanyang kamay, 'di ako natumba.


Lumipas ang panahon at maraming panghahamak,
Nanatili akong sa pangarap ay nakahawak,
Kaya't ang tamis ng tagumpay akin ding nalasap,
Inaasam na diploma, sa wakas ay natanggap.

Walang humpay ang panalangin ko't pasasalamat,
Pag-uwi sa tahanan, sinalubong ng pag-iyak,
Malapad na papel ang sa dingding ay nakalapat,
Naglalaman ng mensaheng "Congratulations, anak."
***
 
Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2017 para sa kategorya ng "Tula" na may temang "Karatula".
***
Ang mga Sponsors ng Patimpalak:

Pabili po ng Sana, 'Yong Naka-sachet



Pabili po ng Sana, 'Yong Naka-sachet

Sachet.

Isang salitang banyagang kalakip na ng pang-araw-araw na bokabularyo ng mga pangkaraniwang Pilipino. Sachet, isang maliit na lalagyang gawa sa plastik, o papel. Iba-ibang hugis at porma. Kapag pumunta ka sa sari-sari store ni Aling/Mang (insert cliché na pangalang nagtatapos sa -ing), halos lahat ng makikita mong tinda, naka-"sachet". 'Yong shampoo na akala mong magpapaganda ng buhok mo, naka-sachet. 'Yong mga seasoning na kunwari minamadyik talaga ang mga pagkain, naka-sachet. 'Yong mga tsitsirya, naka-sachet. Lahat na nga ata ng klase ng produkto, isina-sachet. Ang malupit pa nga, 'yong ibang naka-sachet na ginawa sa pabrika, aba'y isina-sachet pa ulit sa tindahan! Hay, mapapakamot ka na lang sa ulo o kung saan, kahit hindi naman makati, dahil sa sobrang 'madiskarte' ng mga Pilipino.

Bakit nga ba isina-sachet? Para daw mas mura. Mas affordable. Sa kaunting barya, mabibili mo na ang kailangan mong produkto. Swak na swak, lalo na sa ating mga Pilipino na hindi talaga kayang bumili ng pake-pakete at maramihan. Nagtitiis na lamang sa tingi-tinging tiningi-tingi. Kasi nga, mahirap lamang daw tayo.

Pero alam n’yo bang hindi lahat ng naka-sachet ay mura? (Lakas maka-trivia ng dating.) ‘Yong iba, umaabot ng libo-libo at milyon pa nga. Tama. Hindi kayo nagkakamali ng pagbasa. Ganyan siya kamahal. ‘Yan ‘yong naka-sachet na produkto na araw-araw na lang ibinalita (naka-free advertisement ang mga loko!) sa telebisyon, radyo, internet, dyaryo, at kung saan-saan pa. ‘Yong sachet na dahilan kung bakit kaliwa’t kanan ang namamatay sa panahon ngayon. ‘Yong sachet na puno’t dulo ng pag-aaway ng mga “magagaling na pulitiko” (quotation mark intended) sa gobyerno. ‘Yong sachet na sumisira sa buhay ng isang tao. ‘Yong sachet na dahilan kung bakit maraming lumuluha, naghihinagpis, at nagdurusang mga Pilipino. ‘Yong sachet na dahilan ng samu’t saring churvalu sa Pilipinas at maging sa ibang parte ng mundo.

Drugs. Bawal na Gamot. Shabu. Marijuana. At kung anu-ano pang brands at versions. Ganern.
Nakapanghihina at nakapanlulumo lamang talagang isipin na dahil lamang sa isang sachet ng mga iyan, nawawasak ang buhay ng isang tao. Maraming karima-rimarim na krimen ang nagaganap. Maraming mga tao ang nagkakandarapa, matikman lamang iyan. Nasasayang ang buhay ng isang tao. Maraming pamilya ang nasisira. Maraming kabataan ang napapariwara. Dahil lamang sa isang sachet, may isang matayog na pangarap na gumuguho lamang sa isang iglap. Dahil lang sa isang sachet…(Ang sakit, besh!)

Napakarami kong tanong. At dahil marami nga, isa-isahin natin:

Kung napakamahal naman pala ng isang sachet ng droga, at marami sa ating mga Pilipino ang mahihirap lamang, bakit marami pa rin ang gumagamit ng droga? Bakit marami ang kahit wala nang kapera-pera para ibili ng makakain ng pamilya, nakukuha pang mangutang makatikim lamang nito? Bakit kahit alam mong puwedeng masira ang buhay mo, sumusubok ka pa rin? Bakit kahit alam mong puwede kang mamatay at patayin, hindi ka natatakot, at handa kang mamatay para lamang makahithit? Bakit napakaraming bakit? Bakit? Bakit? Bakit? Bakkkeeettt?(Basahin na mala-teleserye.)

Dahil kasi nga mahirap lamang ang mga Pilipino, kapit na sa talim na magtulak, kasi mabilis na kumita sa kalakarang iyan? Sa isang sachet pa lang, tiba-tiba na? Dahil kasi nga mahirap lamang, kailangang kumayod 24 hours, kaya kailangang gumamit ng droga para manatiling gising? Dahil kasi mahirap nga lamang, punong-puno na ng pagkabigo at kasawian sa buhay, kaya gumagamit ng droga para malimutan ang lahat ng sakit? Para tuluyan nang mawala sa sariling pagkatao? Dahil nga mahirap lamang, sumusubok na, kasi ‘pag nakatikim daw, mararanasan mong yumaman at makarating sa alapaap? Dahil nga mahirap, wala nang takot mamatay at mapariwara, at ibubuhos na lamang ang buong pagkatao at kaluluwa sa huwad na kalangitan at pag-asang natatamasa nila? Dahil ‘pag gumamit, astig ka na? Dahil ‘pag gumamit, pasok ka na sa tropa? Kapag nagdroga, sa wakas, mapapansin ka na ni koyang pulis na may six-pack abs? (Okay, it’s out of context.)

Dahil nga ba, mahirap?
O, dahil masarap?

Hindi natin lubusang maiintindihan ang kanilang dahilan. Kahit paulit-ulit silang interview-hin ng media. Kahit anu-ano pa mang fake news ang kumalat sa kung saan-saan na may kinalaman sa isyung iyan. Pero hindi iyon nangangahulugan para subukan mong magdroga, para tuluyang malaman ang kanilang dahilan. Sapat nang maging dahilan sa’yo ang mga kalunos-lunos na sinapit nila para huwag mo nang subukan pang sumubok.

Beshie, KUNG MAHAL MO AKO—ESTE, ANG SARILI MO, DON’T GET INVOLVE YOURSELF WITH DRUGS. EVER. TO THE MOON AND BACK. Kahit isang sachet. Kahit isang butil. Kahit isang molecule. Kahit isang atom. (Lakas maka-chemistry.) Ganern.

Basta’t isipin na lamang natin ang ating sarili at huwag na ang mga bashers, haters, online trolls, at mga nampi-peer pressure. Ang mga buhay at pangarap natin ang mahalaga. Ang ating magandang hinaharap. Ang ating pamilya. Ang ating mga anak. Mga minamahal na kaibigan. Ang isang magandang buhay na bubuuin natin kasama sila.

Sapat na sana ang mga dahilang iyon. Dahil ang halaga ng mga iyon, ay walang saysay sa huwad na langit na naibibigay ng isang sachet ng droga. O, ng anumang halaga.

Sana nga tuluyan nang makalaya ang ating bansa mula sa pagkakakulong sa isang maliit na sachet. At sana hindi lang kasing-laki ng isang sachet ang ating determinasyon, sipag, pag-asa at pananampalataya.

Sana…

(Charot!) 

***
Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2017 para sa kategorya ng Sanaysay na may temang "sachet".

***
Ang mga sponsors ng patimpalak:


Naka-feature na Post

Ang Magtutuyo

Ang Magtutuyo “Sa lahat ng mga nakakasalamuha natin sa lansangan, mayroon pa nga bang natitirang mapagkakatiwalaan? Saan ba nas...