“Sa lahat ng mga nakakasalamuha
natin sa lansangan, mayroon pa nga bang natitirang mapagkakatiwalaan? Saan ba
nasusukat ang kabutihan? Sa taglay na pagkatao at katayuan sa lipunan, o sa
isang mabuting gawa?
Sumasabay
sa tindi ng sikat ng araw sa lungsod at walang humpay na ingay ng mga jeepney
ang gumagaralgal na tinig mula sa isang musmos. Sa kanyang patpating braso ay
nakakilik ang isang malaking bilao. Kahit pudpod na ang suot na tsinelas, at
dinisenyuhan pa ng alikabok, ay patuloy pa rin siya sa pagtatawag. “Tuyo!
Tuyo!” ang paulit-ulit niyang pagbigkas. Inabutan na nga siya ng tanghali pero
wala pang masyadong bawas ang kanyang paninda. Dahil ba sa hinuhusgahan ang
kalidad ng kanyang produkto, batay sa kanyang hitsura at pananamit?
Napaupo
na lamang siya sa bangketa. Hiling na sa bawat pagdaan ng oras ay makabenta man
lamang siya. Hiling na sana sa gitna ng karagatan ng mga taong dumadaan sa harapan
niya, kahit isa’y mapansin man lamang ang kanyang produkto. Ngunit, mukhang malabo
yatang matupad ang hiling niyang iyon. Sa sobrang abala kasi ng mga ito’y hindi
na magawa pang magtapon ng tingin sa kanya. Ni hindi man lamang marinig ng pagsigaw
at pag-aalok niya ng mga tuyo sa mga ito. Ang bilis ng mundo sa paligid niya,
ngunit tila napag-iiwanan siya nito.
Naisandal
niya ang ulo sa poste saka ipinikit ang mga mata. Sa gitna ng napakaingay na
lungsod, pilit niyang sinususog ng katahimikan sa kaibuturan ng kadilimang ngayon
ay bumabalot sa kanya. Pilit niyang hinahanap ang kapanatagan. Na sa kabila ng
kadilimang iyon, sana’y may maaninaw pa siyang pag-asa.
Maya-maya’y
ikinagulat niya ang isang tinig na bumasag sa kanyang pagmumuni-muni. Tila napakabilis
dinggin ng kanyang panalangin, sapagkat ngayon ay isang ale na nasa katanghalian
na ang edad ang nasa kanyang harapan. Hindi man ito mayaman sa kongklusyon
niya, ngunit base sa postura at istilo ng pananamit nito’y nahinuha niyang
nakakaangat ito sa buhay. Kaya’t labis niyang ipinagtataka kung paano nito naatim
na lumapit sa kanya at suriin ang laman ng kanyang bilao.
“Sa
wakas ay nakahanap rin ako ng nagtitinda ng daing. Kanina pa ako naghahanap ng
ganito sa supermarket, wala naman akong makita. Matagal na akong natatakam na
kumain ng ganito, e. Magkano ang ganito, Totoy?” namamangha pa rin siya sa mga
nasasaksihan. Napatitig siya at napanganga rito, dahilan para mapakunot ang noo
ng ale. “Ang sabi ko, magkano ang ganito, Totoy?”
“B-bakit
p-po?” halos ‘di magkandatutong nausal ng bata. Tuluyan nang napangisi ang ale
dahil sa kanyang sinabi. Base sa reaksyon nito, nawewerduhan na ito sa kanya. Sino
nga ba namang tindero ang mangangahas ng ganoong ‘walang saysay’ na tanong?
“Natural,
bibili ako!” natatawa-tawang reaksyon ng matanda. Sa loob-loobin nito’y ano pa
nga ba ang gagawin niya’t tila nawawala nga yata siya sa sarili. “Kung ayaw mo
akong pagbilhan e, sa iba na lang ako bibili.”
Sa
sinabi ng matanda’y tila nahimasmasan siya. “P-pasensya na ho. Hindi lang ho
ako sanay na may mayamang bumibili sa akin. I-ilan ho?” napansin niyang tila
natatawa ito sa sagot niya ngunit ‘di na lang niya iyon pinansin at itinuon na
lang ang atensyon sa kanyang mga paninda.
“Sus!
Hindi ako mayaman. Nagkataon lang talagang maayos akong manamit. Siyempre, para
hindi halata,” tugon nito. Nagtaka pa nga siya kung ano ang tinutukoy nitong
‘para hindi mahalata’ ngunit ‘di na lang niya pinansin. “Bigyan mo ako ng
tatlong balot,” pagpapatuloy nito. Mabilis niyang kinuha ang tatlong balot ng
tuyo at sinigurado niyang ang pinakamagagandang klase ang naibigay niya.
Iniabot ng matanda ang isang perang papel at nang mahawakan niya na ito’y doon
niya lamang napansing limandaang-piso ito. Hinagilap niya ang kanyang maliit na
bag na sisidlan ng napagbentahan para maghanap ng panukli. Ngunit kulang pa ang
mga baryang naroon para suklian ang higit lamang sa singkwenta pesos na tuyo.
“Sandali
la—
“Huwag
mo na akong suklian. Sa’yo na ‘yan,” nakangiting wika sa kanya ng matanda. Base
sa mukha nito’y ramdam niyang sinsero ang matanda ngunit pinangimbabawan pa rin
siya ng hiya. Bilin sa kanya ng mga magulang, lalo na ng kanyang ina, na huwag
siya kailanman tatanggap ng awa mula sa ibang tao. Ayon rito’y hindi siya dapat
kailanman magkaroon ng utang na loob kaninuman. Sapagkat sa bandang huli’y
sisingilin ka rin naman ng mga taong pinagkautangan mo ng loob kapag sila naman
ang nangailangan. Kaya’t hanggang sa maaari, dapat manggaling sa sarili niyang
dugo at pawis ang kahuli-hulihang baryang kikitain niya, para walang maisumbat
ang iba.
“E,
dalhin n’yo na ho itong natitira pang balot,” giit niya. Ngunit ‘di siya
pinansin ng matanda at nagmatigas pa ito. Isinilid na nito ang biniling tuyo sa
kanya sa bag nito at ipinagsiksikan sa kanyang kamay ang limandaang piso. Binigyan
siya nito ng isang titig na diretsong-diretso sa kanyang mga mata. Napalunok
siya ng sariling laway sapagkat pakiramdam niya’y tumagos iyon hanggang sa
kanyang kaluluwa.
“Bakit
ba ayaw mong tanggapin? Dahil nahihiya ka? O natatakot ka?” humugot ito ng
isang malalim na buntong-hininga saka muling nagpatuloy sa pagsasalita. “Totoy,
tingnan mo ang sarili mo. Mahirap ka lang. Pulubi kung tawagin nang marami. Maraming
mga tao ang hinuhusgahan ka dahil d’yan sa itsura mo, sa suot mo o d’yan sa
amoy mo. Hindi nila nakikita ‘yong pagsisikap mong mabuhay. Masakit, pero ‘yon
ang totoo. Nandidiri silang bumili sa’yo kasi akala nila, madumi rin ‘yang
tinitinda mo.”
Sa
pagkakarinig niya ng mga katagang iyon mula sa matanda ay tila kumirot ang
kanyang dibdib. Nasagi nito ang kanyang damdamin. ‘Di niya akalaing mapupunta
sa ganoong usapan ang simpleng pagtanggi niya sa bayad nito. Pero bakit siya
sinasabihan nito nang ganoon?
“Kayo
ho…hindi ho ba kayo nandidiri sa akin? Bakit ho kayo bumili?” iyon ang mga
salitang biglang namutawi sa mga labi ng bata sa gitna ng kalituhan sa isasagot
niya sa sinabi ng matanda. Nananatili pa rin sa mga palad niya ang limandaang
pisong nalamukos, at mukhang wala na nga siyang magagawa kundi tanggapin na
lang ‘yon.
“Dahil
alam ko kung ano ang pinagdadaanan mo. Tulad mo, mahirap lang din ako. Minsan
din akong naging pulubi gaya mo. Minsan din akong namalimos ng awa sa ibang
tao. Ang pinagkaiba? Natuto akong lumaban sa buhay. Natuto akong maging
matapang. Kaya, Totoy, dapat matuto ka ring lumaban. Hindi dapat umiiral ang
hiya o takot sa’yo dahil mananatili ka lang dito habambuhay. Mananatili kang
nagtitinda ng tuyo dito. Hindi ka dapat pumapayag na tapakan ng mas matataas
sa’yo. Kung ginagamit ka nila…dapat gamitin mo rin sila.”
Sa
sinabi ng matanda sa kanya’y natigilan siya. Tumatak sa bawat himuymoy ng
kanyang kamalayan ang mga salitang binitawan nito, kahit pa nananatili iyong
misteryo sa pagpapakahulugan niya. Hindi niya lubos maunawaan ang mga sinasabi
nito, o kung bakit nga ba nagaganap ang pangyayaring ‘yon sa una pa lang. Sa
mura niyang kaisipan, ang lahat ng mga salitang narinig niya’y isa lamang
napakalaking palaisipan. Lalo lamang iyong bumuo ng mas maraming tanong sa
kanyang sarili. Ngunit sa isang banda’y isang bagay ang naging malinaw sa
kanya: mabuti ang matandang iyon.
Nagising
lamang siya sa ‘pagkabalisa’ nang guluhin nito nang bahagya ang gulo na niya
talagang buhok. Kung kanina’y seryoso ang mukha nito, ay muli na itong ngumiti
sa kanya. “Ano nga ule ang pangalan mo, Totoy?”
“Joaquin,
ho.”
“Sige,
Joaquin, mauna na ako. Kailangan ko nang umalis. Salamat nang marami dito sa
daing mo. Matutuwa dito ang anak ko. ‘Yang limandaan, sa’yo na yan. Ingatan mo
ha, ‘wag mong iwawala.”
“S-sige
ho. Salamat po,” nauutal niyang sagot. Inihatid niya na lamang ito ng tingin
palayo hanggang sa tuluyan na itong maglaho sa kumpol ng mga tao sa lungsod.
Pagkalipas ng ilang segundo’y iniangat niya ang mga palad at nagisnan muli ang
perang iniabot sa kanya ng matanda.
Itinuwid
niya ito mula sa pagkakalukot para hindi tuluyang mapunit at masayang.
Napagmasdan niya roon ang mukha ng isang taong hindi naman niya kilala, at wala
na siyang balak kilalanin kung sinuman ‘yon. Ang mahalaga’y hindi na siya
uuwing luhaan, at kahit papaano’y may iuuwi siya sa kanyang magulang. Napag-isip-isip
niyang masuwerte siya, sapagkat nakakilala siya ng isang mabuting tao sa gitna
ng karagatan ng mga mapanghusga at walang pakialam.
Binuhat
na niyang muli ang kanyang bilao, ngunit sa pagkakataong iyon ay may kasama
nang ngiti. Hindi man naubos ang kanyang paninda’y ayos lamang dahil nahustuhan
naman iyon ng halaga. Idadagdag na lamang niya iyon sa susunod niyang paninda
sa kinabukasan. Napagdesisyunan na muna niyang umuwi para sa wakas ay mapakain
na rin niya ang kanyang mga kapatid. Natitiyak niyang nagugutom na rin ang mga
ito.
Ngunit
sa kanyang paghakbang, ay ikinagulat niya nang mapansin ang laman ng kanyang
bilao. Napatitig pa siya roon nang matagal upang kumpirmahin kung namamalikmata
ba siya o hindi, at tuluyan na siyang napamulagat matapos mapagtantong totoo
nga ang nakikita niya. Muli niyang inilapag ang dalang bilao sa bangketa. Sa
gitna ng mga balot ng kanyang tuyo’y nanginginig ang kamay niyang dinampot
iyon. Hindi nga siya nagkakamali. ‘Yon ang pitaka ng matanda!
Napag-isip-isip
niyang baka naiwan ito ng matanda roon sa gitna ng pag-uusap nila, o baka
nakalimutan nitong kunin at aksidente pala nitong naipatong ang wallet doon
habang nagbabayad ito. Dahil doo’y nangingibabaw sa kanyang damdamin na isauli
sa matanda ang nakalimutan nitong pitaka. Napakabuti nito sa kanya, kaya’t
kahit sa ganoong paraan man lamang ay magantihan niya ang kabutihan nito.
Iniwanan
na niya ang kanyang dalang bilao sa bangketa at mabilis siyang nagtatakbo
patungo sa lugar na dinaanan ng matanda, sa pag-asang maaabutan pa niya ito at
maisasauli ang pitaka. Nagpalinga-linga siya paligid habang patuloy pa rin sa
paglalakad sa kahit mumunting pag-asa’y mahagip ito ng kanyang paningin. Ngunit
sa haba ng sandaling lumipas at sa dami ng mga taong naroon, mukhang imposible
na rin iyong mangyari.
Gayunma’y
nagpatuloy pa rin siya sa paghahanap. Ginalugad niya ang halos lahat ng bahagi ng
lugar ngunit wala ni anumang bakas ng matanda siyang naaninag. Sa halip, sa pagsapit
niya sa tapat ng isang supermarket ay hindi inaasahang senaryo ang maaabutan
niya. Ipinagtaka niya kung ano ang nangyayari sapagkat halos nagkakalumpungan
ang mga tao sa labas ng tindahan. Dahil sa kuryosidad ay nagtangka siyang lumapit
doon.
Sa
pagpipilit niyang makasingit, ay nasulyapan niya ang isang dalagang naroroon
habang walang tigil sa pag-aatungal. Nakasalampak ito sa pinto ng tindahan na
parang pinagsakluban ng langit at lupa. Nakaramdam tuloy siya ng awa rito
sapagkat ginawa na itong kakatwang palabas ng mga taong nandoon para
makiusyoso. Sinuri niya nang tingin ang kabuuan ng babae. Kumikintab ang suot
nitong bestida, maging ang suot nitong sapatos. Nahinuha niyang nakakaangat sa
buhay ang babaeng iyon base sa istilo ng pananamit nito. Masasabi niyang
maganda rin ito, kundi nga lamang ito gulo-gulo ang buhok at parang batang umiiyak
at ‘nagwawala’ roon.
Mas
pinilit pa niyang lumapit at doon niya natuklasang kinakausap pala ito ng
pulis. Napasulyap pa siya sa pulis at napansin niyang medyo naiirita na ito
dahil sa inaasal ng babae. Gayunma’y patuloy pa rin ito sa pagtatanong.
“Sigurado
ka ba na ‘yon ang dumukot ng pitaka mo?” aligaga at mataas na boses na tanong
ng pulis. Nagpupumilit itong maging mahinahon ngunit ‘di nito magawa dahil sa
dikta ng pagkakataon at ng paligid.
“Oo!
Siguradong-sigurado nga ako! Ano ba? Bakit ba ‘di kayo naniniwala? Mukha ba
akong nakikipaglokohan dito?” pagsisigaw ng dalaga. “Lumapit siya sa’kin at
kunwari kinakausap niya ako, pero ‘yon pala dinudukutan na niya ako! Mamang
Pulis hindi pa ‘yon nakakalayo! Hulihin n’yo ang matandang ‘yon, parang awa
n’yo na!”
Sa
narinig na iyon mula sa dalaga ay hindi niya napigilang mapatitig sa pitakang
hawak niya. Lumipas ang napakaraming sandali, ngunit tila naiwan ang kanyang
isip. Bagama’t maingay ang buong paligid, ay tila nilukuban ng kakaibang hangin
ang kanyang kabuuan at natahimik siya. Wala siyang ibang naririnig kundi ang
mabilis na pagkabog ng kanyang dibdib. Lalo siyang naguluhan at napakaraming
agam-agam ang nabuo sa kanyang pagkatao. Alam niyang malabo, ngunit alam niyang
hindi rin imposible.
Kaya’t
gumuhit muli sa kanyang alaala ang imahe ng matandang nakadaupang palad niya,
ang matatamis na ngiti nito, at ang kabutihang ipinakita nito sa kanya. At mula
sa kawala’y tila isang kidlat ang nangurus sa kanyang ulirat at umalingawngaw
muli ang katagang binitawan sa kanya nito:
“Hindi
ka dapat pumapayag na tapakan ng mas matataas sa’yo. Kung ginagamit ka
nila…dapat gamitin mo rin sila.”
***
Ang maikling kuwento na ito ay una kong nailimbag sa Wattpad bilang stand-alone, at bahagi ng aking antolohiya: Amaging Obra Maestra. Pansamantala, maaaring basahin ang ibang mga maikling kuwento dito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento