Pabili po ng Sana, 'Yong
Naka-sachet
Sachet.
Isang salitang banyagang kalakip na
ng pang-araw-araw na bokabularyo ng mga pangkaraniwang Pilipino. Sachet, isang
maliit na lalagyang gawa sa plastik, o papel. Iba-ibang hugis at porma. Kapag
pumunta ka sa sari-sari store ni Aling/Mang (insert cliché na pangalang
nagtatapos sa -ing), halos lahat ng makikita mong tinda,
naka-"sachet". 'Yong shampoo na akala mong magpapaganda ng buhok mo,
naka-sachet. 'Yong mga seasoning na kunwari minamadyik talaga ang mga pagkain,
naka-sachet. 'Yong mga tsitsirya, naka-sachet. Lahat na nga ata ng klase ng
produkto, isina-sachet. Ang malupit pa nga, 'yong ibang naka-sachet na ginawa
sa pabrika, aba'y isina-sachet pa ulit sa tindahan! Hay, mapapakamot ka na lang
sa ulo o kung saan, kahit hindi naman makati, dahil sa sobrang 'madiskarte' ng
mga Pilipino.
Bakit nga ba isina-sachet? Para daw
mas mura. Mas affordable. Sa kaunting barya, mabibili mo na ang kailangan mong
produkto. Swak na swak, lalo na sa ating mga Pilipino na hindi talaga kayang
bumili ng pake-pakete at maramihan. Nagtitiis na lamang sa tingi-tinging
tiningi-tingi. Kasi nga, mahirap lamang daw tayo.
Pero alam n’yo bang hindi lahat ng
naka-sachet ay mura? (Lakas maka-trivia ng dating.) ‘Yong iba, umaabot ng libo-libo
at milyon pa nga. Tama. Hindi kayo nagkakamali ng pagbasa. Ganyan siya kamahal.
‘Yan ‘yong naka-sachet na produkto na araw-araw na lang ibinalita (naka-free
advertisement ang mga loko!) sa telebisyon, radyo, internet, dyaryo, at kung saan-saan
pa. ‘Yong sachet na dahilan kung bakit kaliwa’t kanan ang namamatay sa panahon
ngayon. ‘Yong sachet na puno’t dulo ng pag-aaway ng mga “magagaling na pulitiko”
(quotation mark intended) sa gobyerno. ‘Yong sachet na sumisira sa buhay ng
isang tao. ‘Yong sachet na dahilan kung bakit maraming lumuluha, naghihinagpis,
at nagdurusang mga Pilipino. ‘Yong sachet na dahilan ng samu’t saring churvalu
sa Pilipinas at maging sa ibang parte ng mundo.
Drugs. Bawal na Gamot. Shabu.
Marijuana. At kung anu-ano pang brands at versions. Ganern.
Nakapanghihina at nakapanlulumo lamang
talagang isipin na dahil lamang sa isang sachet ng mga iyan, nawawasak ang
buhay ng isang tao. Maraming karima-rimarim na krimen ang nagaganap. Maraming
mga tao ang nagkakandarapa, matikman lamang iyan. Nasasayang ang buhay ng isang
tao. Maraming pamilya ang nasisira. Maraming kabataan ang napapariwara. Dahil
lamang sa isang sachet, may isang matayog na pangarap na gumuguho lamang sa
isang iglap. Dahil lang sa isang sachet…(Ang sakit, besh!)
Napakarami kong tanong. At dahil
marami nga, isa-isahin natin:
Kung napakamahal naman pala ng
isang sachet ng droga, at marami sa ating mga Pilipino ang mahihirap lamang,
bakit marami pa rin ang gumagamit ng droga? Bakit marami ang kahit wala nang
kapera-pera para ibili ng makakain ng pamilya, nakukuha pang mangutang
makatikim lamang nito? Bakit kahit alam mong puwedeng masira ang buhay mo,
sumusubok ka pa rin? Bakit kahit alam mong puwede kang mamatay at patayin, hindi
ka natatakot, at handa kang mamatay para lamang makahithit? Bakit napakaraming
bakit? Bakit? Bakit? Bakit? Bakkkeeettt?(Basahin na mala-teleserye.)
Dahil kasi nga mahirap lamang ang
mga Pilipino, kapit na sa talim na magtulak, kasi mabilis na kumita sa
kalakarang iyan? Sa isang sachet pa lang, tiba-tiba na? Dahil kasi nga mahirap
lamang, kailangang kumayod 24 hours, kaya kailangang gumamit ng droga para
manatiling gising? Dahil kasi mahirap nga lamang, punong-puno na ng pagkabigo
at kasawian sa buhay, kaya gumagamit ng droga para malimutan ang lahat ng sakit?
Para tuluyan nang mawala sa sariling pagkatao? Dahil nga mahirap lamang,
sumusubok na, kasi ‘pag nakatikim daw, mararanasan mong yumaman at makarating
sa alapaap? Dahil nga mahirap, wala nang takot mamatay at mapariwara, at
ibubuhos na lamang ang buong pagkatao at kaluluwa sa huwad na kalangitan at
pag-asang natatamasa nila? Dahil ‘pag gumamit, astig ka na? Dahil ‘pag gumamit,
pasok ka na sa tropa? Kapag nagdroga, sa wakas, mapapansin ka na ni koyang
pulis na may six-pack abs? (Okay, it’s out of context.)
Dahil nga ba, mahirap?
O, dahil masarap?
Hindi natin lubusang maiintindihan
ang kanilang dahilan. Kahit paulit-ulit silang interview-hin ng media. Kahit anu-ano
pa mang fake news ang kumalat sa kung saan-saan na may kinalaman sa isyung iyan.
Pero hindi iyon nangangahulugan para subukan mong magdroga, para tuluyang malaman
ang kanilang dahilan. Sapat nang maging dahilan sa’yo ang mga kalunos-lunos na sinapit
nila para huwag mo nang subukan pang sumubok.
Beshie, KUNG MAHAL MO AKO—ESTE, ANG
SARILI MO, DON’T GET INVOLVE YOURSELF WITH DRUGS. EVER. TO THE MOON AND BACK.
Kahit isang sachet. Kahit isang butil. Kahit isang molecule. Kahit isang atom.
(Lakas maka-chemistry.) Ganern.
Basta’t isipin na lamang natin ang
ating sarili at huwag na ang mga bashers, haters, online trolls, at mga nampi-peer
pressure. Ang mga buhay at pangarap natin ang mahalaga. Ang ating magandang
hinaharap. Ang ating pamilya. Ang ating mga anak. Mga minamahal na kaibigan. Ang
isang magandang buhay na bubuuin natin kasama sila.
Sapat na sana ang mga dahilang iyon.
Dahil ang halaga ng mga iyon, ay walang saysay sa huwad na langit na naibibigay
ng isang sachet ng droga. O, ng anumang halaga.
Sana nga tuluyan nang makalaya ang
ating bansa mula sa pagkakakulong sa isang maliit na sachet. At sana hindi lang
kasing-laki ng isang sachet ang ating determinasyon, sipag, pag-asa at
pananampalataya.
Sana…
(Charot!)
***

Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2017 para sa kategorya ng Sanaysay na may temang "sachet".
***
Ang mga sponsors ng patimpalak:
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento