Ang
Idolo ni Beatrice
Kung
ihahambing sa ibang sampung taong gulang na bata, kakaiba si Beatrice. Hindi
kasi mga manika o teddy bear ang gusto niyang laruan. Hindi rin niya nasubukang
mangolekta ng mga ‘stamps’ at iba pang interesanteng bagay na kinatutuwaan ng
mga batang ka-edad niya. Hindi rin niya nakahiligan ang paglalaro ng
lutu-lutuan, o ‘chinese garter’ kasama ang ibang mga bata sa parke.
Sa
halip, nauubos ang oras ni Beatrice para sa kanyang iniidolo na si Tae-Yun. Si Tae-Yun ay isang talentadong korean actor,
singer, at dancer. Simula nang makapanood si Beatrice ng isang sikat na drama
na pinagbibidahan ni Tae-Yun, sa pangungumbinsi ng kanyang nakatatandang pinsan
na si Veronica, biglang nahulog agad-agad ang loob niya at hinangaan na niya ang
binatang superstar.
Dahil
sa pagkahumaling kay Tae-Yun, nangolekta si Beatrice ng iba’t ibang larawan na
may mukha nito: mapa-litrato, posters, o magazines. Puro mukha nga ng idolo
niya ang makikita sa pader ng kanyang kuwarto. May mga larawan din ni Tae-Yun
na nakasingit sa kuwadernong ginagamit niya sa paaralan. Sa halip na dumiretso
na ng bahay pagkatapos ng eskuwela, madalas ay dumadaan pa si Beatrice kina Veronica
para lamang makapanood ng drama sa
piniratang plaka o ‘di kaya ay mga dance videos ni Tae-Yun sa youtube. Kahit nga kapwa nila hindi
naiintindihan halos ang mga iyon, minsan ay sumasabay pa sila sa mga awit nito.
Minsan,
isang gabi habang kumakain sila ng hapunan, nagpumilit si Beatrice na magpabili
sa kanyang mga magulang ng isang magandang cellphone, para lamang mapadali ang
pagsunod niya kay Tae-Yun sa pamamagitan ng internet.
“Sige
na po, Mama, Papa! Ibili n’yo na po ako ng sarili kong cellphone. Para hindi na
po ako lagi pupunta kina ate Veronica. Hindi na po ako gagabihin ng uwi,”
pagpapaliwanag ni Beatrice. “Pangako ko po, pagbubutihan ko ang pag-aaral ko,
basta bilhan n’yo lang po ako ng cellphone.”
Napabuntong-hininga
na lamang ang kanyang ina. “Beatrice, hindi ba’t masyado ka pang bata para
magkaro’n ng cellphone?”
“Iyon
nga pong mga kaklase ko ay mayroon na, e. Dinadala pa nila sa eskuwelahan. Ako
na lang po ang wala,” pagpapaawa pa ni Beatrice. Ngunit hindi natinag ang
kanyang ama.
“Hindi
ka pa puwede mag-cellphone. Makakasira lang iyan sa pag-aaral mo. At saka wala
ka namang mapupulot na maganda diyan sa inaatupag mong artista. Isa pa, saan
naman tayo kukuha ng pambili ng cellphone mo?”
“Pero,
Papa, aayusin ko naman po ang pag-aaral ko, e…”
Sumabad
na ang kanyang ina. “Beatrice, anak, gustuhin man naming ibili ka ng cellphone,
wala tayong ibibili. Alam mo namang hindi naman ganoon kalaki ang kinikita ng
Papa mo bilang driver. Kahit idagdag
ko pa ang kinikita ko sa paglalabada, kinakapos pa rin tayo ng gastusin dito sa
bahay, at sa pag-aaral n’yo ni Edward. Sana’y maintindihan mo. Kapag nakaluwag
na lamang tayo.”
Sa
halip na intindihin ang sinabi ng ina, nakuha pang magdabog ni Beatrice. “Lagi
na lang si Edward ang iniisip ninyo!”
Hindi
na inubos ni Beatrice ang kanyang kinakain at nakasimangot na pumunta sa
kanyang kuwarto at doon umiyak nang umiyak. Dahil hindi napagbigyan ang gusto,
nagtampo si Beatrice sa kanyang ama at ina ng araw na iyon.
Sa
kabila ng nangyari, hindi pa rin tumigil si Beatrice sa paghanga kay Tae-Yun. Mukhang
lalo pa nga iyong tumindi. Nauubos na ang oras ni Beatrice sa isang araw para
lamang sa pagsubaybay kay Tae-Yun at hindi na niya natutulungan ang ina sa mga
gawaing-bahay. Madalas nang inaabot ng gabi si Beatrice sa bahay nina Veronica.
Dahil doon, halos hindi na niya naaasikaso ang kanyang sarili. Napapabayaan na
rin niya ang kanyang pag-aaral.
Isang
biyernes ng gabi’y inabot na ng alas-siyete si Beatrice kina Veronica. Buong
akala ng kanyang ina, pag-uwi nito matapos ang buong araw na paglalabada, nakauwi
na si Beatrice. Akala nito’y nakapaghanda na siya ng hapunan, at inaasikaso na
ang kapatid na si Edward. Ngunit tanging ang walong-taong gulang na si Edward
lamang ang naabutan ng kanyang ina sa bahay na nagsasaing. Hindi pa rin naman
nakakauwi ang ama ni Beatrice. Dahil sa labis na pag-aalala ng kanyang ina kung
nasaan na siya, napasugod ang kanyang ina kina Veronica para pauwiin na siya.
Dahil
sa pagod sa maghapong pagtatrabaho at sa mismong katigasan ng ulo ni Beatrice, hindi
na nakapagtimpi ang kanyang ina at napagalitan siya. Buti na lamang at nagpunta
na ang kapatid na si Edward sa kuwarto nila at ‘di marinig ang pangangaral nito.
“Ano ba, Beatrice? Lagi na lang ba tayong ganito? Puro paglalakwatsa ang
gagawin mo pagkagaling sa eskuwela? Sa halip na umuwi ka na agad at tumulong
dito sa gawaing bahay!”
“Kung
binilhan n’yo po kasi ako ng cellphone, hindi na ako pupunta doon kina ate
Veronica! Dito na lang sana ako sa bahay manonood kay Tae-Yun!” Nakuha pang
sumagot ni Beatrice. Dahil doon, lalong nag-init ang ulo ng kanyang ina.
“Iyan
ba ang natututunan mo sa paaralan? Ang sumagot sa magulang? ‘Yan ba ang
nakukuha mo sa panonood ng mga koreanong ‘yan? Hindi ko na gusto ang inaasal
mo, Beatrice!”
Sa
gitna ng diskusyong iyon, dumating na rin ang kanyang ama na pagod sa trabaho. Dahil
sa natuklasan ng ama tungkol sa nangyayari sa kanyang pag-aaral at sa mga
nagaganap sa kanya sa loob ng paaralan, napagsabihan din siya nito.
“Naisakay
ko kanina ang titser mo, Beatrice. Mababa na daw ang mga grado mo at hindi ka
na nag-aaral sa klase. Minsan ay natutulog ka na rin sa gitna ng mga leksyon!
May mga nakumpiska rin ang iyong guro na mga larawan ng koreano sa iyong mga
notebook. At ang malala pa, nakikipag-away ka na rin sa iyong mga kamag-aral.
Kailan ka pa natutong makipag-away, Beatrice?”
“Sila
naman po ang nauna! Sinasabi nilang ang pangit ni Tae-Yun. Ipinagtanggol ko
lang naman po siya!” Napabuntong-hininga at napakamot na lamang sa ulo ang
ama’t ina ni Beatrice dahil sa ugali niya. Ngunit nang marinig ang sinabi ng
ina, lalong gumuho ang mundo niya.
“Tama
na, Beatrice. Tigil-tigilan mo na ang Tae-Yun na ‘yan. Simula ngayon, bawal ka
nang magpunta kina Veronica. Dito ka lang sa bahay pagkagaling sa eskuwela. At
itatapon mo na ang lahat ng larawan ng Tae-Yun na iyan para magtino ka!”
Sinubukan
pang mangatwiran ni Beatrice ngunit wala na siyang nagawa pa sa naging desisyon
ng mga magulang. Hindi na nga siya nakakapunta pa sa kanyang pinsan. Inalis na
rin ng kanyang ina ang mga larawan ni Tae-Yun sa dingding ng kuwarto. Ang
natira na nga lamang sa kanya ay ang isang maliit na larawan ni Tae-Yun na
itinago pa niya sa loob ng kanyang unan.
Dahil
doon, parang lalo nang naging malungkutin si Beatrice. Madalas siyang
nagkukulong sa kuwarto at hindi na nakikipaglaro kay Edward. Naging matamlay
siya. Wala siyang ganang tumulong sa gawaing-bahay at maging sa pag-aaral. Para
sa kanya, si Tae-Yun lamang ang makapagpapasaya sa kanya.
Isang
araw, nakaisip si Beatrice ng paraan kung paano niya muling masisilayan ang
idolo. Nalaman niya sa isang kamag-aral na sa halagang dalawang libo,
makakabili na siya ng isang magandang cellphone kung saan malaya na niyang
mapapanood si Tae-Yun. Kaya lihim siyang nag-ipon ng pera mula sa kanyang baon.
Sa halip na kumain ng tanghalian, tinitiis na lamang niya ang gutom para
maitabi lamang niya ang pera. Nagtaka tuloy ang kanyang mga magulang kung bakit
sa tuwing darating siya ng bahay ay gutom na gutom siya. Napansin ng mga ito na
nangangayayat siya ngunit ‘di niya pinansin ang mga magulang.
Tatlong
linggo na siyang nagtitiis at nag-iipon ngunit nang kuwentahin niya ang pera ay
nasa limandaang-piso pa lamang iyon. Nainis na siya sa sarili dahil sabik na
sabik na siyang makitang muli si Tae-Yun. Dahil sa labis na kagustuhan,
nakagawa ng isang matinding kasalanan si Beatrice.
Sa
gitna ng paghahanda sa pagpasok sa paaralan, pumuslit siya sa loob ng kuwarto
ng mga magulang at saktong sa sandaling iyon ay nakapatong lamang sa lamesita
ang pitaka ng kanyang ama. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang limang-libo
ang laman niyon. Hindi na siya nakatiis at kinuha na niya ang isang libo sa
pag-aakalang hindi iyon mapapansin ng ama.
Ngunit
bago pa man siya makalabas ng kuwarto, nahuli na siya ng ama’t ina. Kitang-kita
niya ang galit sa mukha ng mga ito. Dahil sa matinding takot at hindi malaman
ang gagawin, nakaramdam ng matinding pagkahilo si Beatrice. Hanggang sa
tuluyang magdilim ang paningin niya at mawalan ng malay.
Pagkagising
ni Beatrice, natuklasan niyang nasa ospital siya. Nasilayan niya agad ang
kanyang pamilya. Akala niya’y papagalitan muli siya ng magulang, ngunit isang
mahigpit na yakap ang binigay ng mga ito. Napaiyak si Beatrice dahil sa
pagsisisi sa mga nagawa niyang pagkakamali.
“Patawarin
n’yo po ako…sa lahat, Mama at Papa.” Isang ngiti ang isinagot ng mga ito sa
kanya, nangangahulugang napatawad na siya. Muli silang nagyakap bilang isang
buong pamilya.
Simula
noon, napagtanto na ni Beatrice kung ano ang mas makabubuti sa kanya. Si
Tae-Yun pa rin ang nananatili niyang idolo. Ngunit sa kanyang puso, wala nang
makapapantay pa sa kanyang mapagmahal na pamilya.
***

Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2017 para sa kategorya ng "Kuwentong Pambata."
Ang mga Sponsors ng Patimpalak:
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento