Kalaban ang Araw


Kalaban ang Araw



Dinilig ng pawis ang natitigang na lupa,

Patuloy sa pag-agos sa nasusunog na mukha,

Humalo sa uhog ng musmos na bata,

Kasabay ng kanyang mga piping pagluha.



Sa isang iglap lang ay tuluyan nang bumulagta,

Ang kanyang inang ginupo ng panghihina,

Matinding init ng araw ang siyang may gawa,

Masalimuot na buhay ang kanyang kinuha.



Tanging pagpalahaw ng bata ang naging sukli,

Sa kabayarang buhay na kanyang hiningi,

Pagyakap sa ina hanggang sa masawi,

At pagtingala sa langit, na marahas ang paghikbi.



Sa pulubing tulad nila’y tubig nga’y ‘di pa mabili,

Sinubukang mamalimos, hangin lang ang naging ganti,

Maiinom lang nila’y sariling dugo at dumi,

Sa dukhang tulad nila’y araw lang ang masisisi.

***



 Ang tulang ito ay bahagi ng aking antolohiya na "Mga Binhi: Antolohiya ng Isang Sawing Makata". Pansamantala, maaaring basahin ang iba pang tula dito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Naka-feature na Post

Ang Magtutuyo

Ang Magtutuyo “Sa lahat ng mga nakakasalamuha natin sa lansangan, mayroon pa nga bang natitirang mapagkakatiwalaan? Saan ba nas...