Papel ng Kasawian


Papel ng Kasawian

Ang mga ngiting bumabakas sa aking labi,
Ang taglay kong kaligayahang sa puso namumutawi,
Sa piling nang mahal kong iniirog, inaari
Maglalaho rin pala’t sa akin ay sasawi.

Buong akala ko’y kami na sa hangganan,
Pangako sa isa’t isa’y pag-ibig ay ipaglalaban,
Ngunit lahat pala’y isa lang kahibangan,
Dudurugin din pala ng luha at kasinungalingan.

Sa munting papel nasusulat ang aming sumpaan,
Na ako’y sa kanya’t siya ay akin lamang,
Sa aming mga puso nakatatak, nananahan,
Tiwala’t walang kapantay na pagmamahalan.

Ngunit  ang tadhana’y sa amin ay malupit,
Ang bangungot na yaong  di ko naising sumapit,
Ang lahat ng tamis, naglaho’t pumait,
Lungkot at pagdurusa sa puso ang pumalit.

Nagising na lang akong nag-iisa’t umiiyak,
Walang natira’t sinuko ang lahat-lahat,
Iiwan rin pala, ano pa ba ang di sapat?
Ang tanging natira’y ang papel kong hawak.

Ang papel palang ‘yon na puno ng pangarap,
Mauuwi rin pala sa kapalarang masaklap,
Ang masayang alaala’t malambing na ngusap,
Sa bandang huli pala’y lungkot ang malalasap.

Sa aking palad ay mahigpit kong siniil,
Ang bungkos ng kasinungalingang nasasaad sa papel,
Sabay tulo ng pighating hindi ko kayang mapigil,
Wala na akong halaga, buhay ko na’y nakitil.

Ano pang saysay ko sa lupa ng daigdig,
Kung mismong ako’y nilamon ng pag-ibig?
Mabuti nang mamatay sa bigat ng dibdib,
Kaysa mabuhay pang poot ang lumulupig.

Masakit man ang gawin kong kitlin sariling buhay,
Para sa kanya ay handa kong  ibigay,
Palalayain ko na siya bibitawan kanyang kamay,
Ang aking buong sarili ang gaganap na alay.

Kung sakali mang malaman niya ang aking hinantungan,
Di ko na hangad pa ang kanyang pagdaramdam,
Pag-ibig ko sa kanya’y hinding-hindi malilimutan,
Ang alaalang nakabakas sa papel ng kasawian.

 ***
 

Ang tulang ito ay kabilang sa aking antolohiyang "Mga Patak ng Dalamhati". Maaaring basahin ang iba pang tula dito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Naka-feature na Post

Ang Magtutuyo

Ang Magtutuyo “Sa lahat ng mga nakakasalamuha natin sa lansangan, mayroon pa nga bang natitirang mapagkakatiwalaan? Saan ba nas...